1. Tulad ng tunay, karaniwan at nakasanayan, nakakangalay din pala talagang magsalsal ng isipan. Napakahirap magpilit at mag-isip ng mga bagay-bagay lalo na kung wala ka namang ipipilit at pag-iisipan. Minsan sa kakapilit mo, maiisip mo na lang na wala na pa lang kwenta ang mga kung anu-anong ipinagpipilitan mo. Ganun din, sa kakaisip mo, magpipilit ka na lang ng magpipilit ng kung anu-ano para hindi ka mapahiya sa sarili mo. Ipagpalagay nating "kung walang tiyaga, walang nilaga", ngunit dapat isinasaalang-alang din natin ang mga limitasyon at hangganan lalo na ng ating abilidad at kakayahan. Kung sa bagay, wala namang masama kung susubukan at magpupursiging magpilit ng isang bagay kung sa palagay mo naman ay mayroong mangyayari at mayroon kang kahihinatnan lalo't higit, kung may malakas ang iyong tiwala sa sarili mong isip at katawan. Malay natin bi da? 2. Mahirap magtulug-tulugan lalo na kung sa mata nakatapat ang ilawan -nakakasilaw. Hindi madaling magpanggap lalo na kung may mga bagay na umuungkat at maaaring mag-ungat sa katotohanan. Mas nagiging mahirap ito lalo na kung lantad at nababakas naman ang tunay sa mga pagkukunwari lamang. Magsuot ka man ng napakaraming maskara, wala naman itong pisi upang mapanatiling nakasara ang mga napiling panandaliang mukha.
Minsan, nakakatuwa sapagkat nahahasa ang iyong pagiging malikhain sa iba't ibang bagay. Nagiging bihasa kang mananahi sa pagtatagni-tagni ng iba't ibang kwento at katauhan kahit na sa totoong buhay ay ni ang simpleng paglalagay ng sinulid sa kapiranggot na karayom ay hindi mo pa maisakatuparan.
Nagiging magaling kang artista sa pagpili ng mga dibuhong idadagdag sa kathang persona at lubos na napapahusay ang iyong kakayanan bilang tagapagpadaloy ng teyatro sa sariling-likhang entablado. Ikaw ang manunulat. Ikaw ang direktor. Ikaw ang aktor. Buong mundo naman ang iyong tagahanga- pinapalakpakan ang sining na likha ng iyong takot sa pagharap sa titalikuran mong katotohanan. Sa huli, ang tunay na ikaw din ang hindi pinalad na makakasaksi sa kinikilalang ikaw. Ikaw mismo ang hindi nakakakilala sa maskarang iyong binuno sa ibabaw ng itinatago mong mukha. Hindi mo na makakabisado pa ang bawat linya na iyong isinusulat. Malilito ka na sa daloy ng kwento na dating mong idinedirekta. Mahihirapan ka nang isabuhay ang katauhang pilit mong ipinapakilala sa karamihan. Lalamunin ka ng iyong konsensya at masisilaw ka sa ilaw ng di makatotohanang apoy na iyong nilikha- hindi mo na ito masusugpo pa at masusunog ka sa patuloy nitong pagliyab. Ipagpalagay natin ang kasabihang "mahirap gisingin ang taong nagtutulug-tulugan", totoo, hindi ba? Kaya naman matakot ka na sapagkat baka sa pagpapanggap mong ito ay matuluyan ka na sa pagkakahimbing at hindi ka na magising pa 3. Tama na mali na tama? Kung ayaw mong matulog, magpatulog ka. Kung ayaw mong makalbo, magpakalbo ka. Hindi ko alam. Maaring mali at maaaring tama. Maaari ding medyo mali pero tama o medyo tama ngunit mali pala. Nakakalito. Basta ang alam ko ay tama ito na mali na tama. Tama ba o baka naman mali na naman na ako na tama? Tama na muna siguro ang pagpipilit kong maging makata sa sarili kong pamamaraan. Wala na rin naman akong maisip at maipagpilitan. Bahala na muna sa ngayon. Hanggang sa muli, ako nga pala si Nano! Paalam.
2 comments:
Maligayang pagsisimula!:)
Minsan, wala ka nang ipipilit pa, basta taglay mo na 'yan.
Sa paligid, sa lansangan,hindi nila ipinipilit na magkasya sila sa ating mga isipan. Nasa atin na, kung paano natin sila pahahalagahan.
Kabilang ka na sa aking, "Iba Pang Timpla, Tingnan Mo.!:)"
Tulad ng aking sinabi sa iba pa, You are the ruler of your blog.:)
tunay nga na ang pinakamatindi mong makakalaban ay ang sarili mo.
meh masabi lang ako. haha.
Post a Comment