Wednesday, June 25, 2008

I am not kidding, I need it so bad!

Is there any manual for mending broken relationships? Where can i get any of it? Please help me find one.

Tuesday, June 24, 2008

Salitang Kababuyan

BULUGAN -tagalog na salita para sa isang adult male pig (boar sa english)
  • madalas na maririnig bilang salitang kanto na tumutukoy sa mga taong malaki (dambuhala sa kapal ng taba) na maaaring mayroong kakaibang amoy (may anghit o mas malala pa ay may baktol), matakaw (karaniwang napakatakaw) at higit sa lahat ay mukha at asal baboy.
  • sa pulitika, mas magaang panghalili sa bansag na "buwaya"; nagpapakasasa, nagpapakabundat at samual sa paglamon ng kaban ng bayan.
BULAW -iba pang tagalog na salita para sa mga biik (piglet sa english)
  • salita para sa hindi gaanong katabaang tao na maaaring magkaroon ng kakaibang amoy (na siguro'y hanggang anghit pa lamang), unti-unti nang tumatakaw at may pangilan-ngilang palatandaan ng kababuyan sa ugali at katawan.
  • mas bata at pasimpleng bersyon at maaari (at malamang na) susunod na henerasyon ng mga bulugan sa pamahalaan.
SAGMAW -tagalog na termino para sa pagkain ng mga baboy (feed sa english)
  • mas kilala bilang kaning-baboy (karaniwang mula sa mga tira-tirang kanin at ulam na lumalangoy sa sabaw).
  • terminong nagpapatungkol sa mga nilamon, nilalamon at lalamunin pa lang ng mga baboy sa pamahalaan (maaaring tongpats sa kung saang mga proyekto, mga ninenok na mga office supplies at mga dagdag na oras na hindi naman itinrabaho, mga kinupit na semento, bakal, kahoy at aspalto, at mga kung anu-ano).

[Ang mga salita ay inilahad sa kanilang konotasyon, malikhaing gamit at binigyang kahulugan hindi upang may pasaringan. Ganun pa man, ang tamaan...may kababuyan!haha]

Monday, June 16, 2008

Words of Wisdom from Kuya

When I was a little child, I always wanted to be free. I once climbed a tree and suddenly slipped off my feet. Good thing, I was able to hold onto a branch. Hanging for sometime, I felt the flow of blood into my ears, the fastest beat of my heart and the contradiction of muscles in my arms. For moments, I felt the agony; the sacrifice of keeping things not meant to stay. Then after, I fell. Situations like this may stop us from giving up our pride and keeping things and moments once ours. But then, we should learn to let go of things, and we may realize at the end of the day that they are worth letting go than keeping such things you never owe to. However, things are still up to you.

Friday, June 13, 2008

Busina para sa Katotohanan

Nauunawaan din kaya ng musmos na kabataan ang tunay ng isinisigaw ng bawat BUSINA para sa KATOTOHANAN?
Larawan mula sa isang kilos protesta na nilahukan ng mga kabataan at ilan pang progresibong mamamayan mula sa iba't ibang pamantasan (UP Manila, PNU, PLM, ADU, Letran, Lyceum, EAC at iba pa) at mga organisasyon (White Ribbon Movement, All UP Workers Union, Anakbayan, Alliance of Concerned Teachers, Youth Revolt, Student Christian Movement, ASAP-KATIPUNAN, Promotion of Church People's Movement, League of Health Science Movement, Health Alliance for Truth and Justice, Health Alliance for Democracy, College Editors Guild of the Philippines at iba pa). Nilalayon ng pagkilos na ito ang "Truth, Justice, Accountabilty and Meaningful Changes" mula sa ating pamahalaan. Hanggang saan kaya ang maaabot ng tunog at ingay mula sa ma busina para sa katotohan? Nadirinig naman kaya sila ng pamahalaan? Eh naiintindihan din kaya ang mga ito ng mga inosente nating mga kabataan?
*kuha ni Bb.Lina Eguico June 13, 2008, Plaza Olivia Salamanca (Taft Avenue at T. M. Kalaw St.)

Thursday, June 12, 2008

Anong Araw na ba?

June 12 ngayon di ba?
Independence Day ng Pilipinas dapat ngayon ah! Eh malaya na nga ba tayong talaga?
Kung sa bagay, Indepedence Day lang naman daw diba?
Sandali nga, independent? Saan ba?
Kung saan man yun, sana'y totoo nga.
Maligayang Araw na lang ng pagiging Pilipino sa ating lahat!
Ngayong araw na ito, magpakabuhay ka!
Ay mali, mabuhay ka pala!

Tuesday, June 10, 2008

Aking Napansin Lamang

Bilang isang laking probinsya, lubhang napakalaki ng pinagkaiba ng kapaligiran at kultura nito sa isang lungsod. Narito ang ilan sa mga pinagkaibang aking napuna sa pamumuhay at daloy ng halos lahat ng bagay mula sa sarili kong probinsya sa isang lungsod:
  • Mas magulo ang pamumuhay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas nakakalat ang mga pang-abala hindi sa sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas nakapanlilimahid ang pakiramdam hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas madami ang gahamang pulis hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas madami ang mandarayang timbangan sa mga pamilihang bayan hindi sa probinsya kaysa sa lungsod.
  • Mas madami krimen hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas talamak ang kurapsyon hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas madaming mukha ng mga pulitikong nakasabit sa mga pader ng hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas mabili ang prostitusyon hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas malaki ang agwat ng mahirap sa mayaman hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas malaki ang posibilidad na hindi kakilala ang sariling kapitbahay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas makapal ang bilang ng mga walang matinong tirahan hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas madaming pulubing katutubo hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas nakakatakot mamuhay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas palengke at basurahan ang lansangan hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
  • Mas madami pang pinagkaiba sa pagitan ng probinsya at lungsod.
Dalawang araw na lang at ipagdiriwang na ng buong bansa ang itinakdang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Hindi katulad ng pasko na kahit buwan pa ang bibilangi'y maaga kaagad na ipinagdiriwang , tila buwan pa naman ang hinihintay ng sambayanan kahit isang araw na lang ang nalalabi at Araw na ng Kalayaan. Kung mapapansin, ang pasko ay kadalasang ipinagdiriwang lang ng mga Romano Katoliko(at hindi lahat ng mga PIlipino tulad ng mga Muslim at iba pa) at ang Araw naman ng Kalayaan ay nararapat lang na ipagdiwang ng lahat ng Pilipino ngunit tila kakaunti lang ang paghahanda para sa kaarawan ng bansa kumpara sa kaarawan ng isang sinasamba. Hindi ito panlilibak sa pagitan ng relihiyon at pagiging makabayan. Mababatid lang na unti-unti nang humihina ang liyab ng lahing Pilipino sa ganitong kalagayan. Ganoon din, hindi tulad ng pagdiriwang sa kanayunan, tila masyadong abala ang mga tao sa kanikanilang sariling kabuhayan. Kung mapapadpad ka sa mga lansangan sa probinsya sa mga panahong ito, lubos mong mararamdaman ang pakikiisa ng bawat mamamayan sa pagdiriwang ng kalayaan. Kahit kakaunti ang dami ng tao at komunidad dito, mababakas pa rin ang kalayaan sa mga bandiritas sa paligid ng mga munisipyo, mga bandila sa mga tahanan, pamilihang bayan at mga pampasadang sasakyan. Sa lungsod naman, pamahalaan at mga malalaking establisyimento lang ang karamihang nakikipagdiwang. Halos walang haplos ng kalayaan sa mga pampublikong sasakyan at pribadong tahanan. May mga inilalako mang mga banila sa lansangan, hindi naman ito kaaya-ayang tingnan sapagkat tila inilalako na rin lang ang ating kalayaan. Sa puntong ito, maaaring sabihin na magkaiba din ang pagpapakita ng pagiging makabayan sa mga probinsya at lungsod lalo na sa araw ng kalayaan. Mas mahina ang init ng liyab ng pagdiriwang ng kalayaan sa lungsod kumpara sa kanayunan.
Ganoon pa man,
hindi maibabatay ang tunay na pakikiisa sa kalayaan sa mga materyal na bagay lamang.

Siguro, kahit papaano ay may mga nakatago ding pusong makabayan sa bawat taong mukhang nakalimutan na ang kalayaan. Nawa ay ganoon nga.

Ang lahat ng ito lang naman ay nababatay sa pagmamasid mula sa probinsyang aking pinagmulan tungo sa lungsod na aking naman ngayong pinaglalagian. Maaaring maging mali o sadyang katotohanan, sapagkat ng lahat ng ito'y aking mga napansin lamang.

*mga larawan mula sa Yahoo images

Friday, June 6, 2008

Aking Napansin Lamang

Kung negosyo at negosyo din lang ang pag-uusapan, wala na talaga sigurong patid sa pagkamadiskarte ang mga Pilipino-tunay tayong malikhain at tuso sa pangangalap ng samu't saring batis para sa ating kabuhayan. Kahit ano na nga yatang bagay na maaaring pagkakitaan ay ilalako sa kung saan saan upang magkaroon lang ng panlaman sa ating mga kumakalam at hungkag na tiyan.
Kadalasan ay nariyan ang sandamakmak na mga gamit, laruan, pagkain at kung anu-ano pa na tila mga ukay-ukay na nagmula pa sa iba't ibang bansa(at maaaring pinalusot lamang sa kawanihang responsable sa pagpapasok ng mga produktong tulad ng mga ito). Nakakalungkot namang isiping pangilan-ngilan na lamang ang mga gawang lokal at mabibilang na ang mga produktong gawa ng bansa na tinatangkilik ng mga Pilipino kumpara sa mga dayuhan kakumpitensya nito.
Mas lamang na sa mentalidad ng mga Pinoy ang pagiging export-oriented at import-dependent. Kaya naman tumatak na sa kultura ng merkado natin na mas mahusay ang gawang dayuhan na nagdulot ng pagkalugmok ng mga gawang lokal. Sa puntong ito, pinasok na ng mga Pilipino ang ang palagian at bultuhang pang-angkat ng mga iba't ibang produkto mula sa kung saan saang lupalop ng mundo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang gawang Pinoy, mas lumala pa ang kalagayan ng ekonomiya sapagkat pati ang pamimirata ng iba't ibang produkto at serbisyo ay laganap na sa bansa- nagdulot naman ito ng patuloy na pag-usbong ng Underground Economy sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay ang mga pirated cd's na pumapatay sa industriya ng musika at pelikula, mga China phones na bumubulok sa industriya ng komunikasyon, mga smuggled luxury vehicles na bumubutas naman ng gulong ng transportasyon at mas murang mga GMO na unti-unti namang pumapatay sa mga Pilipino. Malamang hindi na ito lingid sa ating lahat sapagkat kahit saang bangketa at pangunahing lansangan natin tingnan ay makikita natin ang pagsakop ng mga bagay na ito sa pamilihan.
Hindi imposibleng nakatikim ka na ng fishballs na lasang isda pero hindi naman talaga tunay na gawa sa isda, japanese corn na ubod ng dilaw at tamis, sago't gulaman na gawa sa tisa, iba't ibang klase at lasa ng lutong laman mula sa double dead na karne ng maruruming pamilihang bayan, isaw, adidas, kwek-kwek, tainga ng baboy, ulo at balat ng manok, chicharon, white rabbit na gawang Tsina, Maling na mula sa niyadyad na karton, at pusit na tinutubog umano sa formalin. Siguro nakabili ka na rin ng pinaghalong NFA at commercial rice na bibebenta sa mapakamahal na halaga, dragon batteries na wala pang ilang oras na gamitan ay palyado na, iba't ibang klaseng cellphone housings, chargers at mga blingblings sa bangketa, at mga tsinelas na ang tatak ay Havana. Kung gayon, malamang nakapunta ka na rin sa Divisoria, Tutuban, Meisic at 168 mall ng Divisoria, Baclaran ng Pasay at Quiapo ng Maynila at sa pangunahing bangketa na tila may pista sa sandamukal na kapal nila- dito natin matatagpuan ang mga dukhang negosyanteng Pilipino. Hindi naman natin sila masisisi sapagkat ang lahat ng ito ay dala lamang ng kahirapan. Kahirapang kanila nang kinamulatan. Mahirap mang tanggapin ngunit parang itinadhana na sila ng kapalaran sa ganoong kalagayan, ang magpakapagod sa lansangan at magpakapaso sa init ng araw para lamang sa kakapiranggot na panglaman tiyan. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, bigas at marami pang iba, halos wala na sa bukabolaryo ng ilan ang kahihinatnan ng mga mamimili ng kanilang produkto at serbisyo basta mairaos lang nila ang kanilang pamilya at sarili sa gutom araw-araw at makaharap ang ganitong problema.
Ang kahirapan ang ugat ng ganitong kabalintunaan sa ating lipunan. Kaya naman, halos ibenta na ng sarili nating pamahalaan ang ating mga magagawa sa ibang bansa upang magpaalipin sa mga dayuhan para lang sa mapataas ng halaga ng piso na dala ng perang kanilang ipadadala sa kanilang mga pamilya sa bansa. May pampalubag-loob pang termino na "Bagong Bayani" sa kapwa nating mga Pilipino na nagbubuno ng kanilang sipag at tiyaga sa ibang bansa. Oo nga't mga bayani sila ngunit kadalasang ginagamit na lang ang salitang ito ng mga pulitiko para sa pagpapalapad ng kanilang mga sasapnan hanggang sa labas ng Pilipinas.
Sa kakulangan ng sapat na suporta at programa para sa mga dukhang Pilipino, pati sariling laman ay kanila nang inilalako sa lansangan. Mayroon ngang kahit pangkape na lang ang bayaran. Ganoon din ang talamak na pagbebenta ng sariling parte ng katawan; bato, baga, at sariling atay sa halagang pangmadalian lamang. Nakakalungkot sapagkat pati ang ganitong klase ng kalakalan ay pinapatos ng mahihirap na mamamayan. Hindi na alintana ang mga sugat na natatamo ng walang laban nilang mga labi mula sa pagkagat sa patalim para lang sa panandaliang kabuhayan. Nakakaawa at nakakainis. Kung magpapatuloy ang ganitong sistema na namumutawi sa kasalukuyan ay mananatili tayong nakalugmok sa lipunang atin ngayong kinalulubugan. Hindi na maisasalba pa ang mga bagong saka sa mga nabubulok nitong mga kasama.
Ilang araw na lang at muli na naman nating sasalubungin ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Hindi ko alam kung nakatutuwa pang makita ang mga bagay sa ating kapaligiran. Hindi ko rin alam kung tama pang makita ng mga mata ng kapwa ko kabataan ang kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan. Oo, isang malaking hakbang ang nararapat na gawin ng bawat Pilipino sa pagharap sa hamon ng bawat araw sa kanilang nagugutom na katawan. Tamang nararapat na maging malikhain silang lubos sa mga gagamiting batis upang mapunan ang kanikanilang pangangailangan at hindi maling sumabay sila sa panahon kung saan may maaari silang pagkakitaan. Maaaring nakasanayan na sa ating kultura ngunit parang mayroong hindi tama, tama bang ilako ang sarili nating bandila upang pagkakitaan? Marahil hindi ito kasing lalim ng pagbebenta ng sariling katawan o iba pang bagay na maaaring magtawid sa kahirapan ngunit wala na ba talagang ibang paraan na maaaring sunggaban ng ating mga kababayan? Maaaring malaki ang maiambag nito sa pusong makabayan ng bansa ngunit hindi nakakatuwang makitang pati ang bandilang sumasagisag sa ating inang bayan ay maaari nang ilako at gayun na nga'y inilalako na sa kung saan saan, sa murang halaga at sa hindi tamang pamamaraan. Hindi na nga yata imposibleng mangyari na sa susunod pang mga panahon, hindi lang banila ang ibenta kundi pati na rin ang sarili nating bansa. Marahil nga. Kung bibigyang pansin, ang maliliit pa nga lang na mga mamamayan ay naiisip na at nagagawa na ang ganitong paraan upang punan ang kanilang pangangailangan paano pa kaya ang mga ganid at lubhang mas makapangyarihan sa kanilang pagtugon sa luho, sariling interes at napakabuwayang kagustuhan?
Sa Araw ng Kalayaan, nawa'y maisapuso natin ang tunay na diwa ng tunay na kasarinlan.
Ang pagiging makabayan ay hindi mababayaran ng kahit anong halaga ng salapi o anumang yaman. Ang pagrespeto sa ating bansa ay hindi inilalako sa kung saang lupalop lang. Sa konteksto ng kasalukuyang lipunan, lubhang mapaniil ang kahirapan ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang pati ang lupang tinubuan ay ating pagkakitaan.
*larawan mula sa Yahoo images

Wednesday, June 4, 2008

Pasing-tabi, Pasubali at Pala-isipan

1. Tulad ng tunay, karaniwan at nakasanayan, nakakangalay din pala talagang magsalsal ng isipan. Napakahirap magpilit at mag-isip ng mga bagay-bagay lalo na kung wala ka namang ipipilit at pag-iisipan. Minsan sa kakapilit mo, maiisip mo na lang na wala na pa lang kwenta ang mga kung anu-anong ipinagpipilitan mo. Ganun din, sa kakaisip mo, magpipilit ka na lang ng magpipilit ng kung anu-ano para hindi ka mapahiya sa sarili mo. Ipagpalagay nating "kung walang tiyaga, walang nilaga", ngunit dapat isinasaalang-alang din natin ang mga limitasyon at hangganan lalo na ng ating abilidad at kakayahan. Kung sa bagay, wala namang masama kung susubukan at magpupursiging magpilit ng isang bagay kung sa palagay mo naman ay mayroong mangyayari at mayroon kang kahihinatnan lalo't higit, kung may malakas ang iyong tiwala sa sarili mong isip at katawan. Malay natin bi da? 2. Mahirap magtulug-tulugan lalo na kung sa mata nakatapat ang ilawan -nakakasilaw. Hindi madaling magpanggap lalo na kung may mga bagay na umuungkat at maaaring mag-ungat sa katotohanan. Mas nagiging mahirap ito lalo na kung lantad at nababakas naman ang tunay sa mga pagkukunwari lamang. Magsuot ka man ng napakaraming maskara, wala naman itong pisi upang mapanatiling nakasara ang mga napiling panandaliang mukha.

Minsan, nakakatuwa sapagkat nahahasa ang iyong pagiging malikhain sa iba't ibang bagay. Nagiging bihasa kang mananahi sa pagtatagni-tagni ng iba't ibang kwento at katauhan kahit na sa totoong buhay ay ni ang simpleng paglalagay ng sinulid sa kapiranggot na karayom ay hindi mo pa maisakatuparan.

Nagiging magaling kang artista sa pagpili ng mga dibuhong idadagdag sa kathang persona at lubos na napapahusay ang iyong kakayanan bilang tagapagpadaloy ng teyatro sa sariling-likhang entablado. Ikaw ang manunulat. Ikaw ang direktor. Ikaw ang aktor. Buong mundo naman ang iyong tagahanga- pinapalakpakan ang sining na likha ng iyong takot sa pagharap sa titalikuran mong katotohanan. Sa huli, ang tunay na ikaw din ang hindi pinalad na makakasaksi sa kinikilalang ikaw. Ikaw mismo ang hindi nakakakilala sa maskarang iyong binuno sa ibabaw ng itinatago mong mukha. Hindi mo na makakabisado pa ang bawat linya na iyong isinusulat. Malilito ka na sa daloy ng kwento na dating mong idinedirekta. Mahihirapan ka nang isabuhay ang katauhang pilit mong ipinapakilala sa karamihan. Lalamunin ka ng iyong konsensya at masisilaw ka sa ilaw ng di makatotohanang apoy na iyong nilikha- hindi mo na ito masusugpo pa at masusunog ka sa patuloy nitong pagliyab. Ipagpalagay natin ang kasabihang "mahirap gisingin ang taong nagtutulug-tulugan", totoo, hindi ba? Kaya naman matakot ka na sapagkat baka sa pagpapanggap mong ito ay matuluyan ka na sa pagkakahimbing at hindi ka na magising pa 3. Tama na mali na tama? Kung ayaw mong matulog, magpatulog ka. Kung ayaw mong makalbo, magpakalbo ka. Hindi ko alam. Maaring mali at maaaring tama. Maaari ding medyo mali pero tama o medyo tama ngunit mali pala. Nakakalito. Basta ang alam ko ay tama ito na mali na tama. Tama ba o baka naman mali na naman na ako na tama? Tama na muna siguro ang pagpipilit kong maging makata sa sarili kong pamamaraan. Wala na rin naman akong maisip at maipagpilitan. Bahala na muna sa ngayon. Hanggang sa muli, ako nga pala si Nano! Paalam.