Bilang isang laking probinsya, lubhang napakalaki ng pinagkaiba ng kapaligiran at kultura nito sa isang lungsod.
Narito ang ilan sa mga pinagkaibang aking napuna sa pamumuhay at daloy ng halos lahat ng bagay mula sa sarili kong probinsya sa isang lungsod:
- Mas magulo ang pamumuhay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas nakakalat ang mga pang-abala hindi sa sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas nakapanlilimahid ang pakiramdam hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas madami ang gahamang pulis hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas madami ang mandarayang timbangan sa mga pamilihang bayan hindi sa probinsya kaysa sa lungsod.
- Mas madami krimen hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas talamak ang kurapsyon hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas madaming mukha ng mga pulitikong nakasabit sa mga pader ng hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas mabili ang prostitusyon hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas malaki ang agwat ng mahirap sa mayaman hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas malaki ang posibilidad na hindi kakilala ang sariling kapitbahay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas makapal ang bilang ng mga walang matinong tirahan hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas madaming pulubing katutubo hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas nakakatakot mamuhay hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas palengke at basurahan ang lansangan hindi sa probinsya kundi sa lungsod.
- Mas madami pang pinagkaiba sa pagitan ng probinsya at lungsod.
Dalawang araw na lang at ipagdiriwang na ng buong bansa ang itinakdang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Hindi katulad ng pasko na kahit buwan pa ang bibilangi'y maaga kaagad na ipinagdiriwang , tila buwan pa naman ang hinihintay ng sambayanan kahit isang araw na lang ang nalalabi at Araw na ng Kalayaan. Kung mapapansin, ang pasko ay kadalasang ipinagdiriwang lang ng mga Romano Katoliko(at hindi lahat ng mga PIlipino tulad ng mga Muslim at iba pa) at ang Araw naman ng Kalayaan ay nararapat lang na ipagdiwang ng lahat ng Pilipino ngunit tila kakaunti lang ang paghahanda para sa kaarawan ng bansa kumpara sa kaarawan ng isang sinasamba. Hindi ito panlilibak sa pagitan ng relihiyon at pagiging makabayan. Mababatid lang na unti-unti nang humihina ang liyab ng lahing Pilipino sa ganitong kalagayan. Ganoon din, hindi tulad ng pagdiriwang sa kanayunan, tila masyadong abala ang mga tao sa kanikanilang sariling kabuhayan. Kung mapapadpad ka sa mga lansangan sa probinsya sa mga panahong ito, lubos mong mararamdaman ang pakikiisa ng bawat mamamayan sa pagdiriwang ng kalayaan. Kahit kakaunti ang dami ng tao at komunidad dito, mababakas pa rin ang kalayaan sa mga bandiritas sa paligid ng mga munisipyo, mga bandila sa mga tahanan, pamilihang bayan at mga pampasadang sasakyan. Sa lungsod naman, pamahalaan at mga malalaking establisyimento lang ang karamihang nakikipagdiwang. Halos walang haplos ng kalayaan sa mga pampublikong sasakyan at pribadong tahanan. May mga inilalako mang mga banila sa lansangan, hindi naman ito kaaya-ayang tingnan sapagkat tila inilalako na rin lang ang ating kalayaan. Sa puntong ito, maaaring sabihin na magkaiba din ang pagpapakita ng pagiging makabayan sa mga probinsya at lungsod lalo na sa araw ng kalayaan. Mas mahina ang init ng liyab ng pagdiriwang ng kalayaan sa lungsod kumpara sa kanayunan.
hindi maibabatay ang tunay na pakikiisa sa kalayaan sa mga materyal na bagay lamang.
Siguro, kahit papaano ay may mga nakatago ding pusong makabayan sa bawat taong mukhang nakalimutan na ang kalayaan. Nawa ay ganoon nga.
Ang lahat ng ito lang naman ay nababatay sa pagmamasid mula sa probinsyang aking pinagmulan tungo sa lungsod na aking naman ngayong pinaglalagian. Maaaring maging mali o sadyang katotohanan, sapagkat ng lahat ng ito'y aking mga napansin lamang.
*mga larawan mula sa Yahoo images
No comments:
Post a Comment