Friday, June 6, 2008

Aking Napansin Lamang

Kung negosyo at negosyo din lang ang pag-uusapan, wala na talaga sigurong patid sa pagkamadiskarte ang mga Pilipino-tunay tayong malikhain at tuso sa pangangalap ng samu't saring batis para sa ating kabuhayan. Kahit ano na nga yatang bagay na maaaring pagkakitaan ay ilalako sa kung saan saan upang magkaroon lang ng panlaman sa ating mga kumakalam at hungkag na tiyan.
Kadalasan ay nariyan ang sandamakmak na mga gamit, laruan, pagkain at kung anu-ano pa na tila mga ukay-ukay na nagmula pa sa iba't ibang bansa(at maaaring pinalusot lamang sa kawanihang responsable sa pagpapasok ng mga produktong tulad ng mga ito). Nakakalungkot namang isiping pangilan-ngilan na lamang ang mga gawang lokal at mabibilang na ang mga produktong gawa ng bansa na tinatangkilik ng mga Pilipino kumpara sa mga dayuhan kakumpitensya nito.
Mas lamang na sa mentalidad ng mga Pinoy ang pagiging export-oriented at import-dependent. Kaya naman tumatak na sa kultura ng merkado natin na mas mahusay ang gawang dayuhan na nagdulot ng pagkalugmok ng mga gawang lokal. Sa puntong ito, pinasok na ng mga Pilipino ang ang palagian at bultuhang pang-angkat ng mga iba't ibang produkto mula sa kung saan saang lupalop ng mundo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang gawang Pinoy, mas lumala pa ang kalagayan ng ekonomiya sapagkat pati ang pamimirata ng iba't ibang produkto at serbisyo ay laganap na sa bansa- nagdulot naman ito ng patuloy na pag-usbong ng Underground Economy sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay ang mga pirated cd's na pumapatay sa industriya ng musika at pelikula, mga China phones na bumubulok sa industriya ng komunikasyon, mga smuggled luxury vehicles na bumubutas naman ng gulong ng transportasyon at mas murang mga GMO na unti-unti namang pumapatay sa mga Pilipino. Malamang hindi na ito lingid sa ating lahat sapagkat kahit saang bangketa at pangunahing lansangan natin tingnan ay makikita natin ang pagsakop ng mga bagay na ito sa pamilihan.
Hindi imposibleng nakatikim ka na ng fishballs na lasang isda pero hindi naman talaga tunay na gawa sa isda, japanese corn na ubod ng dilaw at tamis, sago't gulaman na gawa sa tisa, iba't ibang klase at lasa ng lutong laman mula sa double dead na karne ng maruruming pamilihang bayan, isaw, adidas, kwek-kwek, tainga ng baboy, ulo at balat ng manok, chicharon, white rabbit na gawang Tsina, Maling na mula sa niyadyad na karton, at pusit na tinutubog umano sa formalin. Siguro nakabili ka na rin ng pinaghalong NFA at commercial rice na bibebenta sa mapakamahal na halaga, dragon batteries na wala pang ilang oras na gamitan ay palyado na, iba't ibang klaseng cellphone housings, chargers at mga blingblings sa bangketa, at mga tsinelas na ang tatak ay Havana. Kung gayon, malamang nakapunta ka na rin sa Divisoria, Tutuban, Meisic at 168 mall ng Divisoria, Baclaran ng Pasay at Quiapo ng Maynila at sa pangunahing bangketa na tila may pista sa sandamukal na kapal nila- dito natin matatagpuan ang mga dukhang negosyanteng Pilipino. Hindi naman natin sila masisisi sapagkat ang lahat ng ito ay dala lamang ng kahirapan. Kahirapang kanila nang kinamulatan. Mahirap mang tanggapin ngunit parang itinadhana na sila ng kapalaran sa ganoong kalagayan, ang magpakapagod sa lansangan at magpakapaso sa init ng araw para lamang sa kakapiranggot na panglaman tiyan. Sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, bigas at marami pang iba, halos wala na sa bukabolaryo ng ilan ang kahihinatnan ng mga mamimili ng kanilang produkto at serbisyo basta mairaos lang nila ang kanilang pamilya at sarili sa gutom araw-araw at makaharap ang ganitong problema.
Ang kahirapan ang ugat ng ganitong kabalintunaan sa ating lipunan. Kaya naman, halos ibenta na ng sarili nating pamahalaan ang ating mga magagawa sa ibang bansa upang magpaalipin sa mga dayuhan para lang sa mapataas ng halaga ng piso na dala ng perang kanilang ipadadala sa kanilang mga pamilya sa bansa. May pampalubag-loob pang termino na "Bagong Bayani" sa kapwa nating mga Pilipino na nagbubuno ng kanilang sipag at tiyaga sa ibang bansa. Oo nga't mga bayani sila ngunit kadalasang ginagamit na lang ang salitang ito ng mga pulitiko para sa pagpapalapad ng kanilang mga sasapnan hanggang sa labas ng Pilipinas.
Sa kakulangan ng sapat na suporta at programa para sa mga dukhang Pilipino, pati sariling laman ay kanila nang inilalako sa lansangan. Mayroon ngang kahit pangkape na lang ang bayaran. Ganoon din ang talamak na pagbebenta ng sariling parte ng katawan; bato, baga, at sariling atay sa halagang pangmadalian lamang. Nakakalungkot sapagkat pati ang ganitong klase ng kalakalan ay pinapatos ng mahihirap na mamamayan. Hindi na alintana ang mga sugat na natatamo ng walang laban nilang mga labi mula sa pagkagat sa patalim para lang sa panandaliang kabuhayan. Nakakaawa at nakakainis. Kung magpapatuloy ang ganitong sistema na namumutawi sa kasalukuyan ay mananatili tayong nakalugmok sa lipunang atin ngayong kinalulubugan. Hindi na maisasalba pa ang mga bagong saka sa mga nabubulok nitong mga kasama.
Ilang araw na lang at muli na naman nating sasalubungin ang Araw ng Kalayaan ng Pilipinas. Hindi ko alam kung nakatutuwa pang makita ang mga bagay sa ating kapaligiran. Hindi ko rin alam kung tama pang makita ng mga mata ng kapwa ko kabataan ang kasalukuyang kalagayan ng ating lipunan. Oo, isang malaking hakbang ang nararapat na gawin ng bawat Pilipino sa pagharap sa hamon ng bawat araw sa kanilang nagugutom na katawan. Tamang nararapat na maging malikhain silang lubos sa mga gagamiting batis upang mapunan ang kanikanilang pangangailangan at hindi maling sumabay sila sa panahon kung saan may maaari silang pagkakitaan. Maaaring nakasanayan na sa ating kultura ngunit parang mayroong hindi tama, tama bang ilako ang sarili nating bandila upang pagkakitaan? Marahil hindi ito kasing lalim ng pagbebenta ng sariling katawan o iba pang bagay na maaaring magtawid sa kahirapan ngunit wala na ba talagang ibang paraan na maaaring sunggaban ng ating mga kababayan? Maaaring malaki ang maiambag nito sa pusong makabayan ng bansa ngunit hindi nakakatuwang makitang pati ang bandilang sumasagisag sa ating inang bayan ay maaari nang ilako at gayun na nga'y inilalako na sa kung saan saan, sa murang halaga at sa hindi tamang pamamaraan. Hindi na nga yata imposibleng mangyari na sa susunod pang mga panahon, hindi lang banila ang ibenta kundi pati na rin ang sarili nating bansa. Marahil nga. Kung bibigyang pansin, ang maliliit pa nga lang na mga mamamayan ay naiisip na at nagagawa na ang ganitong paraan upang punan ang kanilang pangangailangan paano pa kaya ang mga ganid at lubhang mas makapangyarihan sa kanilang pagtugon sa luho, sariling interes at napakabuwayang kagustuhan?
Sa Araw ng Kalayaan, nawa'y maisapuso natin ang tunay na diwa ng tunay na kasarinlan.
Ang pagiging makabayan ay hindi mababayaran ng kahit anong halaga ng salapi o anumang yaman. Ang pagrespeto sa ating bansa ay hindi inilalako sa kung saang lupalop lang. Sa konteksto ng kasalukuyang lipunan, lubhang mapaniil ang kahirapan ngunit hindi ito dapat maging dahilan upang pati ang lupang tinubuan ay ating pagkakitaan.
*larawan mula sa Yahoo images

No comments: