Tuesday, July 8, 2008

Pambayad Utang

From Globe:
Pambayad Utang!
U myt WIN P100,000 ds wk
w/ HotMMS! Txt HM
to 2346! May FREE
Sundalong Bata (CrankThat) tone pa! P20/wk
DTI3086
NoFREEinfo?RplySTOP
Sender:
2977
Sent:
12:38:35pm
07.02.2008
Gaano na nga kaya kabigat ang pinapasang utang ni Mang Juan at ganito na lang kalala ang mga nagsusulputang information/promotion messages mula sa mga higanteng kompanya ng komunikasyon sa bansa? Sa dinami-dami ng mga mapanghikayat na mga mensaheng katulad nito, minsan hindi ko na alam kung paniniwalaan ko pa ang mga ito at kung sa Globe nga talaga ito nanggaling. Hindi ko na rin tuloy malaman kung talagang bang may pag-asa pang maabot ang sinasabi nilang mundo.
Mahusay ang hangaring mapagaan ang naglalakihan at patuloy na lumalaking utang ng mga Pilipino dahil sa bugso ng nagtataasang bilihin at bayarin sa araw-araw, ngunit sa aking palagay, hindi naman yata tamang pati ang naturang pagtulong ay pagkakitaan.
Kung mapapansin, ang 20 pesos na halaga ng load na isusugal kada linggo para sa premyong maaaring mapanalunan with "FREE" na ringtone pa nga raw ay maaari nang magamit ng isang simpleng mamamayan para makabili ng kahit kalahating kilo ng bigas. Kung susumahin, aabot din ng 80 pesos ang magagasta sa loob ng isang buwan sa kada 20 pesos na mauubos kada linggo. At sa halagang ito, isa hanggang dalawang araw na rin ang maitatawid sa gutom ng isang Pinoy base na rin sa cost of living sa bawat araw na pinangangatawanan ng pamahalaan.
Sa totoo lang, hindi naman talaga libre ang "FREE tone" na pampalubag-loob sa mahiwagang palarong ito kung hindi mo mapapanalunan ang premyo sapagkat ito naman talaga ang binabayaran mo sa bawat 20pesos mo. At sa totoo rin lang, ang 100,000 pesos na pambayad-utang kuno ang tanging consolation prize dito - isang consolation prize na suntok pa sa buwan kung makukuha mo.
Sa halip na makaaahon pa sana si Mang Juan sa kumunoy ng pagkakautang, mas lalo lamang siyang bumibigat sa mga pasaning dala ng mga ganitong kabalintunaan. Ang pagtulong sa kapwa ay hindi dapat pinapatawan ng kahit anumang halaga bilang kapalit.
Ang pagtulong ay pagtulong, hindi isang sugal kung saan ang isang tao ay maaari pang malulong at tuluyan nang hindi makabangon.

No comments: